Ang korupsiyon sa BIR at BOC ay hindi na bago. Dahil ang katiwalian ay hindi simpleng gawain ng mga tiwaling indibidwal — ito ay istruktural na bahagi ng sistemang tinatawag na burukratang kapitalismo. Sa sistemang ito, ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno ang burukrasya o tungkulin sa gobyerno hindi upang paglingkuran ang bayan, kundi upang pagsilbihan ang kanilang personal na interes. Sa ilalim ng burukratang kapitalismo, ang mga posisyon sa gobyerno ay nagiging puhunan — ginagawang instrumento para sa pagkamal ng yaman at impluwensiya. Maliwanag na halimbawa nito ang ₱545 bilyong flood control project scandal, na iniimbestigahan pa rin ayon sa mga ulat ng Senado at media.